Contents

« Prev John 12 Next »

Chapter 12

1Anim na araw bago ang Paglagpas ay nagpunta si Jesus sa Betania. Ito ang kinaroonan ni Lazaro na namatay na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. 2Sila ay naghanda roon ng hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod. Si Lazaro ay isa sa mga nakaupong kasalo niya sa mesa. 3Si Maria ay kumuha ng isang libra ng dalisay na nardo. Ito ay mamahaling pabangong pamahid. Ipinahid niya ito sa mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kaniyang buhok ang mga paa ni Jesus. Ang bahay ay napuno ng halimuyak ng pamahid. 4Si Judas na taga-Keriot, na anak ni Simon ay isa sa kaniyang mga alagad. Siya ang magkakanulo kay Jesus. Sinabi nga niya: 5Bakit hindi ipagbili ang pamahid na ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibigay sa mga dukha? 6Ito ay kaniyang sinabi hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha kundi dahil siya ay isang magnanakaw. Nasa kaniya rin ang supot ng salapi at kinukuha niya ang inilalagay rito. 7Sinabi nga ni Jesus: Hayaan ninyo si Maria. Inilalaan niya iyon para sa araw ng aking libing. 8Ang mga dukha ay lagi ninyong kasama ngunit ako ay hindi. 9Maraming mga Judio ang nakaalam na siya ay naroon. Sila ay pumunta hindi lamang dahil kay Jesus. Sila ay pumunta upang makita rin si Lazaro na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay. 10Nagsanggunian ang mga punong pari upang patayin din si Lazaro. 11Ito ay dahil maraming mga Judio ang lumayo at sumampalataya kay Jesus dahil sa nangyari kay Lazaro. 12Kinabukasan, maraming mga tao ang dumalo sa kapistahan. Narinig nila na darating si Jesus sa Jerusalem. 13Nang marinig nila, sila ay kumuha ng mga palapa ng punong palma. Sila ay lumabas upang siya ay salubungin. Sumigaw sila ng: Hosana! Parangalan ang Hari ng Israel na dumarating sa pangalan ng Panginoon. 14Sinakyan ni Jesus ang isang batang asno na natagpuan niya. Ayon sa nasusulat: 15Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion! Tingnan mo, ang iyong hari ay dumarating, nakasakay sa isang bisirong asno. 16Sa simula ay hindi naunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga bagay na ito. Nang naluwalhati na si Jesus, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay isinulat tungkol sa kaniya. Naalala rin nila na ang mga bagay na ito ay ginawa nila sa kaniya. 17Nagpatotoo nga ang maraming tao na nakasama niya nang kaniyang tawagin si Lazaro mula sa libingan at ibinangon mula sa mga patay. 18Dahil dito, sumalubong sa kaniya ang maraming tao. Ito ay dahil narinig nila na siya ay gumawa ng himalang ito. 19Sinabi nga ng mga Pariseo sa kanilang sarili: Nakikita ninyo na wala kayong nararating. Tingnan ninyo, sumusunod na sa kaniya ang sanlibutan. 20Ang ilang mga Griyego ay umahong kasama noong mga pumaroon sa kapistahan upang sumamba. 21Sila nga ay lumapit kay Felipe na taga-Betsaida ng Galilea. Hiniling nila sa kaniya na sinasabi: Ginoo, nais naming makita si Jesus. 22Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres. Sinabi naman nina Andres at Felipe kay Jesus. 23Tinugon sila ni Jesus na sinasabi: Dumating na ang oras upang maluwalhati ang Anak ng Tao. 24Totoong-totoong sinasabi ko sa inyo na mananatiling mag-isa ang butil ng trigo malibang ito ay mahulog sa lupa at mamatay. Kung ito ay mamatay, mamumunga ito ng marami. Totoong-totoong sinasabi ko ito sa inyo. 25Siya na umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito. Siya na napopoot sa kaniyang buhay dito sa sanlibutan ay makapagpapanatili nito hanggang sa buhay na walang hanggan. 26Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, hayaan siyang sumunod sa akin. Kung saan ako naroroon ay duroon din ang aking lingkod. Kung ang sinuman ay naglilingkod sa akin, siya ay pararangalan ng aking Ama. 27Ngayon ay nababalisa ang aking kaluluwa. Ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito. Ito ang dahilan kung bakit ako naparito sa oras na ito. 28Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Nang magkagayon, may narinig silang tinig mula sa langit na nagsasabi: Niluwalhati ko na ito at muli kong luluwalhatiin. 29Ang mga tao ngang nakatayo roon at nakarinig nito ay nagsabing kumulog! Ang iba naman ay nagsabing siya ay kinausap ng isang anghel. 30Tumugon si Jesus at nagsabi: Ang tinig na ito ay hindi ipinarinig ng dahil sa akin kundi dahil sa inyo. 31Ngayon na ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang prinsipe ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32Ako, kung ako ay maitaas na mula sa daigdig ay ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin. 33Sinabi ito ni Jesus upang ipakahulugan kung papaano siya mamamatay. 34Ang mga tao ay tumugon sa kaniya: Narinig namin mula sa kautusan na si Kristo ay mananatili magpakailanman. Papaano mo nasabi na ang Anak ng Tao ay kinakailangang maitaas? Sino ba itong Anak ng Tao? 35Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kanila: Sandaling panahon na lamang na makakasama ninyo ang liwanag. Lumakad kayo habang may liwanag pa sa inyo at baka abutan pa kayo ng dilim. Hindi nalalaman ng lumalakad sa kadiliman kung saan siya napupunta. 36Habang may liwanag pa sa inyo, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga tao ng liwanag. Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito ay umalis siya at nagtago mula sa kanila. 37Bagamat gumawa si Jesus ng maraming tanda sa harapan nila, hindi pa rin sila sumampalataya sa kaniya. 38Ito ay upang matupad ang salita ni propeta Isaias na kaniyang sinabi: Panginoon, sino ang naniwala sa aming pangaral. Kanino ipinahayag angbisig ng Panginoon? 39Dahil dito, hindi sila makapaniwala dahil sinabing muli ni Isaias: 40Binulag niya ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang puso. Ito ay upang hindi sila makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata, ni makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, ni hindi manumbalik. Kung hindi gayon, sila ay pagagalingin ko. 41Ang bagay na ito ay sinabi ni Isaias nang makita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon at nagsalita tungkol sa kaniya. 42Gayunman, marami sa mga mataas na pinuno ang sumampalataya kay Jesus. Ngunit dahil sa mga Pariseo, hindi nila siya ipinahayag baka sila palayasin sa sinagoga. 43Higit nilang inibig ang papuring mula sa mga tao kaysa ang papuri ng Diyos. 44Si Jesus ay sumigaw at nagsabi: Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya. Siya ay sumasam-palataya sa kaniya na nagsugo sa akin. 45Ang nakakakita sa akin ay nakakakita sa kaniya na nagsugo sa akin. 46Ako ay naparito bilang liwanag sa sanlibutan upang ang lahat ng sumasampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman. 47Kung ang sinuman ay nakikinig ng aking mga salita at hindi sumasampalataya, hindi ko siya hinahatulan. Ang dahilan ay hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ang sanlibutan. 48May isang hahatol sa tumatanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita. Ang salita na aking sinalita ay siyang hahatol sa kaniya sa huling araw. 49Hindi ako nagsasalita mula sa sarili ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nag-utos kung ano ang dapat kong sabihin at bigkasin. 50Alam ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan. Ito nga ang sinasabi ko. Kung papaanong sinasabi sa akin ng Ama, sa gayon ding paraan nagsasalita ako.

« Prev John 12 Next »
VIEWNAME is workSection